OFWs, pinaalalahanan ng Bureau of Immigration na kumpletuhin ang lahat ng kinakailangang travel at work documents, bago umalis ng Pilipinas
Pinaalalahanan ng Bureau of Immigration (BI) ang mga pasahero, na kumpletuhin ang lahat ng kinakailangang travel at work documents bago lumabas ng bansa.
Ang paalala ay ginawa ni Immigration Commissioner Jaime Morente, matapos pigilin ng immigration personnel ang limang Overseas Filipinos Workers (OFW) na makaalis patungong Dubai noong Nov. 21 dahil wala sila ng kinakailangang work o employment visas.
Ang mga pasahero ay isinailalim sa secondary inspection, matapos mapansin ng immigration officers na lahat sila ay bibiyahe gamit ang tourist visas, subalit mayroon din silang valid overseas employment certificates.
Nang ma-interview, sinabi ng mga ito na sinabihan sila ng kanilang recruiters na ang kanilang mga papeles ay iko-convert sa working visas pagdating nila sa UAE, bastat sila ay mag-negatibo sa COVID-19 test sa Dubai airport.
Pinayuhan ang mga ito kumpletuhin muna ang angkop na employment visa bago umalis.
Ayon kay Morente, hindi sapat ang pagkakaroon ng isang valid overseas employment certificate mula sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA), para ang isang OFW ay makalabas ng bansa kung wala itong working visa.
Dagdag pa nito, ang mga OFW na bibiyahe gamit ang tourist visas ay hindi pinapayagang makalabas ng bansa sa ilalim ng revised guidelines on departure formalities for international passengers, na itinakda ng Inter-Agency Council Against Trafficking.
Liza Flores