Oil at gas exploration sa pinagtatalunang South China Sea, itinigil ng Pilipinas
Sinuspinde ng Pilipinas ang oil at gas exploration sa South China Sea, habang tinatangka na magkaroon ng pakikipagkasundo sa China sa isang joint energy project.
Ang drilling ay pinahintulutang ipagpatuloy noong Oktubre 2020, makaraang alisin ang isang 2014 moratorium.
Inaasahan na ang desisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte ay magpapabilis sa pakikipag-usap sa Beijing tungkol sa joint exploration sa lugar na pinaniniwalaang nagtataglay ng mayamang deposito ng langis at gas.
Ngunit ang mga lokal na kumpanyang sangkot sa dalawang proyekto sa labas ng lalawigan ng Palawan ay inutusang muling huminto.
Ayon kay presidential spokesman Matin Andanar . . . “SJPCC suspended all exploration activities within the disputed areas in West Philippine Sea,” na ang tinutukoy ay ang security advisors ng gobyerno. Wala naman siyang binanggit na rason.
Tinutulan ng energy department ng Pilipinas ang nasabing desisyon, at batay sa kanilang argumento . . . “a geophysical survey is a perfectly legitimate activity in any disputed area”.
Sinabi ng foreign affairs department na sinusubukan nitong kumpirmahin ang media reports, na sinubaybayan ng lihim ng isang Chinese coast guard vessel ang Philippine survey vessels ng proyekto kamakailan.
Ang Pilipinas ay lumagda ng isang kasunduan sa China noong 2018 na magtutulungan sa oil at gas development, bilang daan para makinabang sa resources nito habang isinasantabi ang territorial dispute.
Nguni’t sinabi ni Jay Batongbacal, direktor ng University of the Philippines Institute for Maritime Affairs and Law of the Sea, na hindi pa tinutukoy ng dalawang gobyerno ang tiyak na mga proyekto.
Ayon kay Batongbacal, ang suspensiyon ay senyales na ang Pilipinas ay nagbigay-daan sa pressure ng China na itigil na ang drilling.
Aniya . . . “China is essentially trying to make the Philippines agree to joint exploration and development only on China’s terms. It’s coercion. The Philippines is folding to that pressure. That does not really bode well for the future of any exploration and development in the West Philippine Sea.”
Ang suspensiyon ay ginawa habang nahaharap ang bansa sa lumiliit na reserba ng enerhiya.
Ang Malampaya gas field, na nagsu-suplay ng humigit-kumulang 40 porsiyento ng enerhiya sa Luzon, ay inaasahang matutuyo na sa loob ng kakaunti nang taon.
Binalewala ng Beijing ang isang desisyon ng international tribunal noong 2016 na nagdeklara na walang batayan ang historical claim nito sa malaking bahagi ng South China Sea. Lalong tumindi ang tensyon sa pagitan ng Maynila at Beijing sa huling taon ng panunungkulan ni Duterte.
Pinakahuli rito ay ang akusasyon ng Philippine coast guard na lumapit ang isa sa mga barko ng Chinese coast guard, ilang metro mula sa Filipino patrol vessel malapit sa pinagtatalunang Scarborough Shoal.