Oil smugglers at smugglers ng ukay-ukay, pinahahabol sa BOC at BIR
Kinastigo ni Senador Raffy Tulfo ang mga opisyal ng Bureau of Customs at Bureau of Internal Revenue dahil sa umano’y tila panggigipit sa mga online seller at mga vlogger para magbayad ng buwis.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Ways and Means, sinabi ni Tulfo na kung talagang nais ng gobyerno na makalikom ng sapat na pondo dapat tugisin ang mga bigtime na oil smuggler at mga nagpapasok ng ukay-ukay sa bansa.
Sa pagdinig, inireklamo ng Senador ang tila pagbabahay-bahay raw ng mga taga BIR sa mga vlogger at online seller para balaan umano sa hindi pagbabayad ng buwis.
Pero ayon sa Senador sa halip na pagdiskitahan ang mga maliliit na negosyante dapat habulin ng pamahalaan ang mga smuggler.
Isa sa tinukoy nito ang smugglers na nagpupuslit ng mga ukay-ukay sa bansa na ibinebenta sa merkado gayong dapat donasyon ito at napupunta sa DSWD.
Napapanahon na rin aniyang amyendahan ang Republic Act 4653 nnagbabawal sa commercial importation ng textile articles o used clothing at mga basahan.
Meanne Corvera