Oil spill, nadiskubre sa Louisiana matapos manalasa ng bagyong Ida
Nagdeploy na ng containment booms at skimmer devices ang mga trabahador ng isang kompanya, upang pigilang kumalat pa sa Gulf of Mexico ang oil spill, na nadiskubre matapos ang pananalasa ng hurricane Ida.
Ayon sa US Coast Guard, ang oil spill ay nasa katubigang sakop ng Port Fourchon, Louisiana malapit sa lugar kung saan naglandfall ang bagyo sa rehiyon na siyang major hub ng US petrochemical industry.
Batay sa report, ang naturang oil slick ay lumawak na ng higit 12 milya ngunit hindi pa umaabot sa pampang ng Gulf of Mexico.
Samantala, nagpadala na ng clean-up vessels at divers sa oil spill site ang Talos Energy, isang Texas firm na ang espesyalidad ay offshore oil and gas exploration.
Iginiit ng kompanya na noong 2017 pa nag-ooperate sa lugar, na hindi ang kanilang equipment ang dahilan ng oil spill.
Sa isang pahayag ay sinabi ng kompanya na may nakita ang response team na isang 12-inch pipeline na hindi pag-aari ng Talos, na nawala sa orihinal nitong trench location, at tila nakabaluktot.
Ayon pa sa kompanya . . . ” Additionally, two non-Talos owned 4 (inch) lines have been identified in the vicinity that are open ended and appear to be previously abandoned. We’re using booms and skimmers to clean up the area.”
Ayon sa mga lokal na awtoridad, taglay ang lakas ng hanging aabot sa 240 kilometro bawat oras, ang bagyong Ida ay nanalasa sa Louisiana noong Linggo, kung saan nag-iwan ito ng malaking pinsala.
Bagama’t ibinaba na sa tropical storm status, napanatili ni Ida ang kakaibang lakas nang sumunod na manalasa sa US Northeast area, na sanhi ng pagkamatay ng dose-dosenang katao.