Lokal na Pamahalaan ng Tacloban City at DPWH nagsagawa ng ocular inspection sa binabahang kalsada sa Brgy. Nula-Tula
Nagsagawa ng ocular inspection ang lokal na pamahalaan ng Tacloban City at Department of Public Works and Highways (DPWH) sa binabahang kalsada sa Barangay Nula-tula, Tacloban City.
Ang nasabing ocular inspection ay pinangunahan ni Tacloban City Mayor Cristina Romualdez, City Engineers Office Head Engr. Dony de Paz, at mga opisyales ng DPWH upang pag-aralan kung paano mareresolba ang paulit-ulit na pagbaha sa nasabing Barangay.
Matapos ang nasabing inspeksiyon ay nagpalabas ng public advisory ang lokal na pamahalan ng Tacloban City upang ipaalam sa publiko ang dahilan ng mga nararanasang matinding pagbaha sa Barangay Nula-tula tuwing umuulan.
Ayon sa report ng DPWH, ang umaapaw na tubig baha sa Nula-Tula creek ay dahil sa nahaharangan ng pader ng tatlong pribadong gusali ang waterways sa gilid nito na nagiging sanhi ng pagbaha.
Nakiusap naman ang lokal na pamahalaan ng Tacloban City sa DPWH na gumawa ng agarang solusyon upang maresolba ang nasabing problema.
Paliwanag naman ni DPWH Regional Director Edgar Tabacon na plano nilang buksan muli ang nababarahang daanan ng tubig sa pamamagitan ng paghuhukay sa loob at palibot ng pribadong gusaling nakakaharang dito.
Dagdag pa niya, nakikipag-uganayan na sila sa may-ari ng nasabing mga gusali at kung makapag-issue ng permit to enter ay masisimulan na agad ang pag-rerepair ng creek.
Sakali namang hindi pumayag ang may-ari ay mapipilitan umano ang lokal na pamahalaan ng Tacloban City na ipatupad ang police power.
Ulat ni Rheanel Vicente