Olympics maaaring makansela nang sapilitan dahil sa coronavirus
TOKYO, Japan (AFP) — Sinabi ng isang senior Japanese politician, na may posibilidad pa ring makansela ang Tokyo Olympics dahil sa coronavirus, habang ang pagtaas pa sa mga kaso ay lalong nagdulot ng pangamba laluna’t wala nang 100 araw bago magsimula ang mga palaro.
Sinabi ni Toshiro Nikai, ruling Liberal Democratic Party number two, na hindi na dapat mag-atubiling kanselahin ang Olympics kung malala ang virus situation.
Isang taon matapos ang makasaysayang pagpapaliban nito, marami pa ring kinakaharap na problema ang 2020 Olympics na may kaugnayan sa pandemya, kung saan ilang bahagi ng torch relay ay napilitang gawin “behind closed doors.”
Una nang iginiit ng organisers at Olympic officials, na ang palaro ay ligtas namang maipagpapatuloy.
Subalit ayon kay Nikai . . . “We need to make a decision depending on the situation at the time. We need to cancel it without hesitation if they’re no longer possible. If infection spreads because of the Olympics, I don’t know what the Olympics is for.”
Sinabi naman ni Japanese vaccine minister Taro Kono, na maaaring walang payagang live audience sa mga palaro.
Ang mga pahayag ay ginawa ni Nikai, sa harap na rin ng mga bagong bumabangong pangamba tungkol sa ayon sa mga eksperto’y fourth wave ng infecions.
Maraming bilang ng mga kaso ang naitala sa Osaka sa mga nakalipas na araw, at ang gobyerno ay napilitang magpatupad ng panibagong restriksyon ilang linggo lamang matapos alisin ang isang virus state of emergency.
Dumagdag pa sa problema ang mabagal na vaccine roll-out sa Japan, kung saan ang inaprubahan pa lamang ay ang Pfizer/BioNTech version.
Sa 126 na milyong populasyon, nasa 1.1 million pa lamang ang nabigyan ng first dose ng bakuna, at ngayong linggong ito ay mga matatanda pa lamang ang nabakunahan.
Sa kabila ng mga suliranin, iginiit ng Olympic organisers na ang mga palaro ay maaaring ligtas na maisakatuparan, at nagpalabas pa ng virus rulebooks para mapawi ang pangamba ng publiko.
Gayunman, lumitaw sa opinion polls na mas maraming Japanese ang pabor na ipagpaliban o kanselahin na ang Olympics, habang wala pang 30% ang pabor na ito ay ituloy.
Sa kabila ng mga hadlang, sinabi ni International Olympic Committee vice president John Coates na hindi ikinukonsidera ng organisers ang kanselasyon.
Ayon kay Coates . . . “Of course we’re concerned, of course safety remains our priority, but we believe that we’re prepared for the worst situations.”
© Agence France-Presse