Ombudsman naglabas na ng dismissal order laban sa 14 na sabit sa pork barrel scam
Sinibak ng Office of the Ombudsman sa serbisyo sa gobyerno ang labing apat pang akusado sa mga kasong may kaugnayan sa pork barrel scam.
Ito ay matapos silang mapatunayang guilty sa kasong administratibo na grave misconduct, conduct prejudicial to the best interest of the service at dishonesty.
Kabilang dito ang Deputy Chief of Staff ni dating Senador Jinggoy Estrada na si Pauline Therese mary Labayen, Director General ng Technology Resource Center na si Antonio Ortiz, National Livelihood Development Corporation President Gondelina Amata at National Agribusiness Paralegal Victor Roman Cacal gayundin ang sampung iba pang opisyal at kawani ng NABCOR, NLDC at TRC.
Kasabay ng utos ng dismissal sa mga ito, iniutos din ng Ombudsman ang habang buhay na diskwalipikasyon sa kanila sa serbisyo sa gobyerno.
Sinoman sa kanila na wala na ngayon sa serbisyo ay pinagbabayad ng multa na katumbas ng isang taon nilang sahod noon.
Sina Labayen ay nililitis sa kaso kasama ni Estrada dahil sa anomaliya sa PDAF ng dating Senador noong 2007 hanggang 2009.
Ulat ni : Madelyn Villar- Moratillo