Ominta Romato “Farhana” Maute naisalang na sa inquest proceedings
Naisalang na sa inquest proceedings ang labing isang naaresto dahil sa pag-atake sa Marawi.
Ayon kay Justice Secretary Vitaliano Aguirre, kasama sa mga naiharap sa piskalya para sa kasong rebelyon ay si Ominta Romato “Farhana” Maute, ang ina ng magkapatid na sina Abdullah at Omar Maute na namumuno sa grupong naghahasik ng gulo sa Marawi.
Si Farhana na naaresto sa Masiu, Lanao del Sur ay pinaniniwalaang financier ng Maute group.
Nasampahan na rin ng reklamong rebelyon si Dating Marawi City Mayor Fahad Salic na nadakip sa Misamis Oriental.
Si Salic ay kasama sa Arrest Order Number 2 na inisyu ni Defense Secretary at Martial Law Administrator Delfin Lorenzana dahil sa hinala na siya ay konektado sa Maute.
Bukod kina Farhana at Salic, siyam na iba pa ang nasampahan ng reklamo dahil sa pag-atake sa Marawi City.
Ang lahat ng mga naisalang sa inquest proceedings ay ibibiyahe sa Metro Manila para dito mapiit.
Ulat ni: Moira Encina