One-strike policy ipatutupad sa mga tauhan ng BuCor
Binalaan ni Bureau of Corrections (BuCor) OIC Gregorio Catapang Jr. ang mga opisyal at tauhan ng ahensya na sangkot sa mga iligal na aktibidad sa piitan.
Sinabi ni Catapang na ipatutupad niya ang one-strike policy sa BuCor personnel na mapapatunayang dawit sa anumang maling gawain sa kulungan.
Aniya, agad na sasampahan ng kaso gaya ng dereliction of duty ang madidetermina na pasaway na tauhan ng BuCor.
Ang pahayag ay ginawa ni Catapang kasunod ng pagkakapuslit sa Bilibid ng nasa 7,000 beer.
Iniimbestigahan na ang mga opisyal at tauhan ng BuCor at BJMP na itinuro ng mga preso na posibleng nasa likod nito.
Nais ni Catapang na responsable at kagalang-galang ang mga kawani ng BuCor para mareporma hindi lang ang mga inmate kundi ang buong sistema sa kawanihan.
Ayon sa opisyal, magiging mahigpit siya hindi lamang sa mga preso kundi maging sa mga kawani ng BuCor.
Samantala, sa susunod na linggo ay maaaring i-deploy na ang K9 units sa Bilibid bilang bahagi ng mga hakbangin para mapigilan ang pagpasok sa kulungan ng mga iligal droga at cellphones.
Moira Encina