One time financial assistance na 20k para sa EC pensioners matatanggap na simula ngayong Hunyo
Simula ngayong buwan, matatanggap na ng mga pensioner ng Employees Compensation Commission ang kanilang one-time financial assistance na nagkakahalaga ng 20,000 pesos.
Ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III, by batch ang release ng 20 libong financial assistance na ito.
Para sa mga pribadong sektor ang magre-release nito ay ang Social Security System at sa public sector naman ay sa pamamgitan ng Government Service Insurance System.
Ayon kay Bello, tinatayang nasa 32 libong EC pensioner ang makikinabang rito.
Nilinaw naman ni ECC Executive Director Stella Zipagan-Banawis na hindi na kailangan mag apply ng EC pensioners para sa nasabing financial assistance dahil ang proseso rito ay katulad rin ng sa pagproseso ng kanilang EC pension.
Ang mga EC pensioners naman aniya sa pribadong sektor na mayroong at least one month ng permanent partial disability (PPD), permanent total disability (PTD), o survivorship pension mula Enero 1, 2020 hanggang Mayo 31, 2021 ay kasama sa makikinabang sa one-time financial assistance na ito.
Kung ang eligible EC pensioner naman ay nasawi mula Enero ng nakaraang taon hanggang nitong Mayo 31 ng taong ito ay mapupunta ang one time financial assistance sa kanyang benepisyaryo.
Una rito, nilagdaan ni Pangulong Duterte ang kautusan para sa nasabing one time financial assistance noong Abril.
Kabilang sa EC pensioners ay ang mga persons with permanent partial disability o permanent total disability dahil sa kanilang trabaho o working environment.
Sila ay maaaring benepisyaryo rin ng isang empleyado na nasawi dahil sa work-related incidents.
Madz Moratillo