Online Registration System sinimulan na sa Pasay city
Sinimulan na ang Online Registration System (ORS) sa lungsod ng Pasay, partikular sa Brgy. 183 sa Villamor.
Layon nito na mapabilis ang transaksyon o pagkuha ng mahahalagang mga dokumento gaya ng certification, residency, barangay ID at iba pa.
Hinimok naman ni Barangay Chairwoman Ruth Cortez at ng buong konseho ang publiko, na makiisa sa mga hakbanging inilulunsad ng barangay, para na rin sa ikaaayos at ikagaganda ng mahahalagang mga transaksyon.
Sa launching ng ORS ay itinuro kung paano makaka-access o makapagre-rehistro.
Para makapagparehistro, ay kailangang ihanda ang government ID o kahit anong uri ng valid ID para sa wastong pagkakakilanlan ng isang nais mag-rehistro.
Isang paraan din ang naturang proyekto, sa pagrereport sa barangay ng mga insidente sa kanilang lugar.
Sinabi naman ng tagapagsalita ng barangay na si Jonathan Santos, na maaaring mairehistro ang lahat ng miembro ng isang pamilya sa isang account.
Aniya, pinakamatagal na ang tatlong araw para ma-approve ang registration.
Panawagan ng mga opisyal ng barangay sa mga residente na maging mapagpasensya sakaling hindi agad maaprubahan ang aplikasyon, dahil mahigit sa isang libong indibidwal na naninirahan sa barangay ang inaasahang magpaparehistro.
Kung ang isang dokumento naman ay may takdang panahon kung kailan kailangang isumite, pinayuhan ng konseho ang mga residente na maagang mag-request para hindi sila magahol sa panahon.
Dagdag pa ng konseho, inilunsad ang naturang proyekto upang maiwasan ang mabilis na pagkalat ng virus sa kanilang lugar, na hanggang sa ngayon ay mayroon pa ring mataas na kaso ng COVID-19.
Ulat ni Jimbo Tejano