Onsite registration para sa Philippine ID, binuksan na rin para sa mga katutubong Aeta
Maaari nang lumahok o makakuha ng Philippine National ID ang mga katutubong Aeta.
Ito’y matapos buksan ang onsite registration para sa mga katutubo sa Porac, Pampanga.
Sa pakikipagtulungan ng lokal na pamahalaan ng Pampanga, nagbukas ng registration centers ang Philippine Statistics Authority (PSA) sa mga Barangay Camias, Villa Maria, Inararo, Diaz, at Sapang Uwak, na pawang operational na simula pa nitong May 18.
Sa pahayag ng PSA, layon ng registration na mailapit ang Philippine Identification System sa Aeta communities.
Oktubre ng nakalipas na taon nang simulan ng PSA ang pre-registering para sa 5 milyong low-income families na natukoy ng Department of Social Welfare and Development sa pamamagitan ng pagbabahay-bahay.
Dahil naman sa Pandemya, ginawa ng tatlong bugso ang registration ng PhilSys kung saan ang Step 1 registration ay binuksan noong Abril 30.
Nasa 50 hanggang 70 milyong adult Filipino ang target ng gobyerno na mabigyan ng Philippine ID hanggang sa kalagitnaan ng 2022.