Ooops, bawal magsayang ng pagkain!
Mga kapitbahay, hindi naman bagong bagay na marinig natin ang mga katagang hindi dapat na magsayang ng pagkain.
Actually, bata pa nga ako ay madalas na sinasabi ito ng aking nanay at ng aking lola. Kaya sanay kaming magkakapatid na walang natitira sa plato. Masarap o hindi ma ang pagkakaluto. At sa palagay ko ay ganuon din kayo, hindi po ba? Ang mga katagang… ang dami-daming hindi kumakain sa mundo, mabuti nga kayo at may kinakain pa!
Samantala, nuong isang araw sa ating programang Kapitbahay, sa Radyo Agila DZEC ay nakausap natin si Ms. Josie Platon-Desnacido, Science Research Specialist, DOST-FNRI. Naging focus ng aming usapan ang ukol sa plate waste. Ano ba ang ibig sabihin nito? Ang plate waste ay ‘yung mga pagkain na natitira sa plato o sa mesa na puwede pang kainin. Subalit ang nangyayari ay itinatapon na lang ipinapakain sa mga hayop.
Batay sa isinagawang survey ng Food and Nutrition and Research Institute (FNRI), nuong 2018-2019, ito ang Expanded National Nutrition Survey, lumalabas na pangunahing pagkain ng mga Pinoy ay kanin, gulay at isda. At dahil sa ito ang pangunaain, ito rin ang karaniwang nasasayang o naitatapon.
Naitanong ko nga sa kaniya bakit kaya sa hirap ng buhay ay marami ang nagsasayang ng pagkain? Ang sagot niya, tunay na nakalulungkot dahil milyon ang nagugutom, pero, marami ding Pinoy ang nagsasayang ng pagkain. Batay sa kanilang pag-aaral, ang mga pamilyang mas maraming porsyento ang nasasayang na pagkain ay yaong kabilang sa mga may kayang pamilya.
Sila ang maraming binibiling pagkain, kaya maraming iniluluto at inihahanda sa hapag kainan. At ang tendency, maraming nasasayang na pagkain. Isa pa rin, pamilyang marami ang miyembro. Tendency aniya, mas marami silang inihahanda o inilulutong pagkain at kapag hindi naubos, mas
marami ang nasasayang.
Sabi pa ni Ms. Josie, meon kasi tayong ugali na mga Pinoy na ‘takaw tingin’, ito ‘yung kukuha ng marami at kapag hindi nagustuhan ay iiwan na lang, hindi na kakainin, at iiwan na lang sa plato.
Karaniwan ito sa mga handaaan, hindi po ba?
May idinagdag pa siya, mahilig magluto ng marami pero hindi naman kumakain ng tirang pagkain, na puwede pa namang i-recycle, na masustansya pa rin at bagong putahe pa lalabas.
Binanggit niya ang tirang kanina na puwedeng isangag. Ang karne ay puwedeng isahog sa salad, ilagay sa pasta o sa mga lulutuing gulay. Ang pritong isda ay gawing sarsiado, o ilagay sa lulutuing gulay.
Ngayong summer ang mga prutas ay puwqedeng gawing jam, o juice kaya. Sa gulay, puwedeng gawing vegetable soup. Maraming pamamaraan para hindi masayang ang pagkain. Maging matalino, maging maalam, maging concern tayo sa kapaligiran.
Mag-ingat po tayo palagi mga kapitbahay!
-30-