Operasyon “ Bilis laya “, ipatutupad bilang bahagi ng reporma ng BuCor
Inihayag ng Bureau of Corrections (BuCor) ang medium at long term na mga programa nito para maibsan ang decongestion sa iba’t- ibang kulungan at penal farm sa buong bansa.
Sinabi ni BuCor Director General Gregorio Pio Catapang Jr. na sa ilalim ng kanilang medium term program, kabuuang 205 billion pesos ang kailangan para ganap na maipatupad ang kanilang development at modernization program para sa 2023-2028.
Kasama sa programang ito ang pagtatayo at rehabilitasyon ng iba’t-ibang prison at mga penal farm sa buong bansa para magawa itong isang modernong pasilidad.
Ipatutupad din ang BuCor land utilization, control and management alinsunod sa Republic Act 10575 (Bureau of Corrections Act of 2013) kung saan ang mga lupain ng mga kulungan ay dating naibigay sa mga Local Government Units ngunit inabandona.
Ito ay ibabalik umano sa Bureau para isama sa mga programa upang palawakin at gamitin sa pang-agrikultural, industriyal, at komersiyal na produksyon.
Bukod dito, gagawing BuCor Global City ang isang bahagi ng New Bilibid Prison (NBP) upang mapagkunan ng pondo para sa development at modernization plan na mangangailangan ng P400 Billion.
Kasama sa long term program ang regionalization at heinous crime facilities kung saan itatayo ang 16 na pasilidad sa rehiyon .
Sa kasalukuyan, nagpapatupad din ng short term solution tulad ng paglilipat ng mga PDL mula sa NBP patungo sa ‘di gaanong masikip na prison at penal farms sa labas ng Metro Manila.
Hindi bababa sa 500 Persons Deprived of Liberty (PDLs) ang nailipat na sa Iwahig Prison at Penal Farm sa Puerto Princess, Palawan habang nasa 7,000 PDLs pa ang ililipat ngayong taon sa Davao Prison and Penal Farm sa Panabo, Davao Province at Sablayan Prison and Penal Farm sa Occidental, Mindoro.
Dagdag pa ni Catapang, ipatutupad din nila ang operasyong “Bilis Laya” sa mga PDL bilang bahagi ng layunin ni Justice Secretary Crispin Remulla na mabigyan sila ng tunay na hustisya .
Virnalyn Amado