Operasyon ng 32 Domestic at International airport sa buong bansa, balik na
Balik na sa operasyon para sa Domestic at International flights ang 32 paliparan sa buong bansa.
Ayon sa Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP), binigyan na ng clearance ng mga Local Government Units ang mga paliparan na muling mag-operate matapos matigil dahil sa Covid-19 Pandemic.
Ilan sa mga paliparang bukas na ang Antique, Bacolod, Batanes, Butuan, Calbayog, Caticlan at Cauayan airport.
Gayunman, inabisuhan ng CAAP ang publiko na bago makapasok sa lalawigan, kailangan munang makipag-ugnayan sa mga LGU.
Bukas na rin ang Roxas, Bacolod at Iloilo International airport pero dapat may koordinasyon muna sa City at Provincial LGU.
May ipatutupad namang restrictions sa pagpasok sa Bohol batay sa kanilang inaprubahang Executive Order No. 48.
Sa nasabing kautusan, pinapalawig pa ang Modified General Community Quarantine sa Bohol hanggang katapusan ng Nobyembre kung saan ang papayagan pa lamang ay mga sweeper flights.
Ibig sabihin, bawal pa rin ang mga turista at ang papayagan lamang na pumasok sa lalawigan ay mga pauwing Overseas Filipino workers (OFWs), Locally Stranded Individuals (LSIS) at mga Authorized person outside Residence (APOR).
Nananatili namang sarado ang Borongan, Camiguin, Catarman, Catbalogan, Dumaguete, Guian, Laoag, Puerto Princesa, Siargao, Surigao at 7 iba pang paliparan.
Meanne Corvera