Operasyon ng 39 consular offices at Temporary Off-Site Passport Services, suspendido ngayong Lunes dahil sa Karding–DFA
Pansamantalang sinuspinde ng Departmenylt of Foreign Affairs (DFA) ang mga operasyon ng ilang consular offices (CO) at Temporary Off-Site Passport Services (TOPS) nito ngayong Lunes, September 26 dahil sa masamang panahon dulot ng Bagyong Karding.
Sa abiso ng DFA, umaabot sa 39 na CO at TOPS sa mga lugar na apektado ng bagyo ang sarado muna ngayong araw.
Kabilang sa suspendido ang consular operations sa mga CO at TOPS sa Metro Manila, Pampanga, Laguna, Batangas, Cavite, Rizal, Bulacan, Benguet, La Union, Zambales, Tarlac, Cagayan, at Ilocos Norte.
Pinayuhan ng DFA ang mga apektadong applicant na naka-iskedyul ngayong araw na maaaring silang ma-accomodate sa loob ng 30 araw mula sa kanilang original passport application schedule.
Ang mga aplikante naman sa mga apektadong TOPS site ay aabisuhan ng kanilang bagong iskedyul sa pamamagitan ng email.
Ang mga apektadong authentication applicants naman na may confirmed appointments sa DFA-Aseana ay i-a-accomodate sa Martes, September 27.
Ayon pa sa DFA, ang authentication applicants na may kumpirmadong appointments sa ibang COs ay i-accomodate sa loob ng 30 araw mula September 26.
Moira Encina