Operasyon ng COVID-19 field hospital sa Maynila itinigil na
Itinigil na ng lokal na pamahalaan ng Maynila ang operasyon ng kanilang COVID-19 field hospital.
Ayon kay Atty Princess Abante, tagapagsalita ni Mayor Honey Lacuna, hanggang noong October 31 na lang kasi ang kontrata sa National Parks Development Committee na silang namamahala sa Rizal Park.
Ang nasabing field hospital ay itinayo sa harap ng quirino grandstand noong kasagsagan ng COVID- 19 pandemic upang makatulong na magkaroon ng pasilidad kung saan pwedeng dalhin ang mga nagpopositibo sa virus.
Pero nitong mga nakalipas na buwan, ayon kay Abante, maliit na ang bilang ng mga pasyenteng dinala rito na karaniwan ay OFW.
Sinubukan aniya nila na maextend pa ang kontrata sana para sa field hospital pero hindi na umano inaprubahan ng NPDC.
Ang mga natirang pasyente ay inilipat aniya sa ibang quarantine facility sa Maynila rin.
Habang ang mga medical personnel sa field hospital ay ibinalik na sa Manila health department.
Pinag aaralan na rin aniya ng engineering department ng Maynila ang pagbaklas sa field hospital.
Madelyn Villar – Moratillo