Operasyon ng Customs, inirekomendang isailalim sa automation para matigil ang korapsyon
Hindi kumbinsido ang mga Senador sa desisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na isailalim sa military control ang Bureau of Customs.
Naniniwala si Senador Sherwin Gatchalian na temporary solutions lamang ito at magpapatuloy pa rin aang katiwalian sa ahensya.
Embeded na umano kasi ang katiwalian sa Customs at nakasanayan na ng mga empleyado ang ganitong kalakaran.
Nangangahulugan ito na hindi na mareresolba ang isyu militar o sibilyan man ang italaga sa puwesto.
Senador Gatchalian:
“We are talking about at least 400-500 billion pesos baka masilaw sa corruption ang mga ilalagay din dyan at baka bumalik din at mahawa sila sa nangyayari sa loob, so we need to do more reforms sa loob. We have to change the system”.
Naniniwala naman si Senador Francis Pangilinan na kung hindi magpapatupad ng kamay na bakal ang Pangulo at kukunsintihin ang mga palpak na opisyal, wala ring mangyayari dahil mauulit lang ang mga ganitong kaso.
Senador Kiko Pangilinan:
“Kahit sino pa ang magpatakbo ng BOC kung ang Malacañang mismo ay kinukunsinti at hindi pinaparusahan sina Faeldon at Lapeña at walang makitang pangil at galit laban sa mga druglord wala ring mangyayari sa paglipat sa AFP dahil susunod lang ito sa utos ng Malacañang”.
Mahalaga aniya na maparusahan at mapapanagot ang mga dating opisyal kabilang na sina dating Customs Commissioner Isidro Lapeña at Nicanor Faeldon lalo na sa posibleng pakikipagsabawatan sa mga sindikato dahilan kaya nakalusot ang mga illegal drugs.
Babala ni Senador Risa Hontivero,s maaaring makuwestyon ang legalidad ng ginawang hakbang ng pangulo dahil wala namang mandato ang AFP na magpatakbo ng mga government revenue generation agency.
Senador Hontiveros:
“Article XVI, section 5 [4] of the 1987 Constitution which states that “No member of the Armed Forces in the active service shall, at any time, be appointed or designated in any capacity to a civilian position in the government, including government-owned or controlled corporations or any of their subsidiaries”.
Batay aniya sa Article 16 section 5 ng Saligang batas, hindi maaaring italaga ang sinumang miyembro ng militar na aktibo sa military service sa isang civilian position sa gobyerno kasama na ang mga government owned and contolled corporation o kanilang mga subsidiaries.
Apila ni Hontiveros dapat irespeto ng Pangulo ang militar at hindi sila dapat itratong troubleshooting department ng gobyerno.
Mungkahi ng mga Senador sa halip na palitan ang mga pinuno o mga empleyado, dapat magpatupad ng reporma gaya ng automation o computerization.
Kapag naging online ang transaksyon at pagbabayad ng buwis, maiiwasan na ang human intervention at pagbibigay ng tara o lagay.
Senador Gatchalian:
“Dapat mas mabigat pa ang reporma na gagawin dun sa loob para mahinto at mabawasan ang corruption, one example automation computerization and technology sa ibang bansa hindi na kailangang kumausap pa ng Customs officer lahat online, yung bill of lading documents lahat tumatakbo online dahil more human intervention more corruption dito kasi satin mano mano ang ginagawa kaya may human intervention therefore may corruption”.
Ulat ni Meanne Corvera