Operasyon ng LRT-1, suspendido bukas
Inanunsiyo ng Light Rail Manila Corporation (LRMC), na muling sususpendihin ang operasyon ng Light Rail Transit Line 1 (LRT-1) bukas, Linggo, Enero 30.
Ayon sa LRMC na nangangasiwa sa operasyon ng LRT-1, ito ay para matapos o makumpleto na ang upgrading sa signalling system ng tren.
Sinimulan ng LRMC ang pagpapalit sa signalling system ng LRT-1 noong November 28, 2021 at ipinagpatuloy noong isang Linggo, Enero 23.
Ang railway signalling systems o ‘traffic light system’ para sa railway, ay ginagamit para idirekta ang railway traffic at mapanatiling maayos at ligtas ang mga biyahe ng tren.
Humingi naman ng paumanhin sa publiko si LRMC Chief Operating Officer Enrico Benipayo, at sinabing para rin iyon sa maayos na pagbiyahe ng mga pasahero.
Inaasahang babalik ang normal na operasyon ng LRT-1 na bumabagtas mula Roosevelt sa Quezon City hanggang sa Baclaran sa Parañaque City sa Lunes, Enero 31.