Operasyon sa ilang tanggapan ng Korte Suprema mananatili sa 15% ng essential workforce sa Oktubre
Limitado pa rin sa 15% ng essential workforce ng ilang opisina ng Korte Suprema ang papayagan na pisikal na pumasok para sa buwan ng Oktubre.
Sa memorandum order na inisyu ni Chief Justice Alexander Gesmundo, sinabi na anuman ang maging alert level guidelines sa NCR ay mananatili sa 15% ng absolute essential staff ang puwedeng pumasok sa ilang tanggapan ng Supreme Court simula sa Oktubre 1.
Kabilang na rito ang mga kawani sa Office of the Clerk of Court ng Supreme Court En Banc at mga divisions.
Pinahintulutan naman na hanggang 30% ang workforce sa Office of the Bar Confidant at 50% sa Medical and Dental Services,
Muling ipinaalala ni Gesmundo na ang mga tauhan na pisikal na magrereport on a rotation basis ay dapat determinahin ng mga hepe ng mga opisina o services.
Kinakailangan din na ma-check nang mabuti ang lagay ng kalusugan ng mga empleyado sa pagpasok ng mga ito sa premises ng SC.
Kung sila ay makitaan ng kahit anumang sintomas ng COVID-19 ay kailangan nilang magpakonsulta sa Medical and Dental Services.
Ang mga natitirang kawani ay work-from-home pa rin sa Oktubre.
Samantala, patuloy pa rin na ipatutupad ang “no personal filing policy” sa Korte Suprema sa Oktubre.
Moira Encina