Operating license ng J&T pinababawi ng isang consumer group
Dumulog na sa Department of Information and Communications Technology ang United Filipino Consumers and Commuters para ipabawi ang operating licenses ng J&T at mga franchise partner nito.
Ayon kay UFCC national advisor Jonathan Dela Cruz, maraming paglabag na nagawa ang nasabing courier service gaya ng sa Postal Service Act at iba pa na sapat ng batayan para bawiin ang Authority to Operate Express nito.
Hinikayat rin ng UFCC ang DICT na imbestigahan ang operasyon ng kumpanya at franchise partners nito kahit wala umanong permit.
Paliwanag ni dela Cruz, lugi ang consumer dito dahil kung magkaroon ng sira o damage ang kanilang packages mahihirapan silang maghabol.
Noong nakaraang taon una ng pinaimbistigahan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa National Bureau of Investigation at Philippine National Police Criminal Investigation and Detection Group ang J&T.
Maging ang finances nito, pinaimbistigahan din ng dating pangulo sa Bureau of Internal Revenue.
Ayon sa UFCC ,ilan sa mga natanggap nilang reklamo sa nasabing courier service ay missing deliveries, overcharging gaya ng sobra-sobrang delivery fees, misuse ng private customer information, at unfair work policies.
Madelyn Villar-Moratillo