Opisyal ng DBM na sinasabing nasa likod ng pagbili ng overpriced face mask at face shield, ipatatawag ng Senado
Ipatatawag na rin ng Senado sa susunod na pagdinig sa August 25 ang opisyal ng Department of Budget and Management-Procurement Service (DBM-PS) na si dating Budget undersecretary Christopher Lloyd Lao.
Si Lao na nagbitiw na sa puwesto dalawang buwan na ang nakalilipas ang itinuturong nasa likod ng pagbili ng mga overpriced na face mask at face shield na isa sa mga pinuna ng Commission on Audit.
Sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee kahapon, pinuna nina Senators Imee Marcos at Franklin Drilon kung bakit inilipat ng Department of Health sa DBM-PS ang 42.4 bilyong halaga ng procument.
Ayon sa mga Senador batay sa COA report, masyadong mahal ang biniling mga face mask ng DBM-PS na nagkakahalaga ng 27.22 piso kada piraso at 120 piso kada piraso ng face shield.
Senador Imee Marcos:
“Masyado naman atang specialized ang DBM-PS at itong ni-require ninyo na napakamamahal sabihin na natin na very tight ang supply at that point, pero saksakan naman ata ng overpriced”.
“Noong nagkaroon na ng enough supply siguro, noong September 30, DOH released a memorandum, providing suggested retail prices for these items. 2 to 4 pesos per piece of face mask and 26 to 50 pesos per piece of face shield, if you compare this to your statement na mataas dahilan na bago pa lang noon (ang items). ang laki naman po ng deperensya. Ang laki ng overpricing”.
Malinaw ayon kay Drilon na nagkaroon ng overpricing dahil ang facemasks ay aabot lang sa 2 hanggang 4 piso kada piraso habang 27 hanggang 50 piso ang faceshield.
Inatasan naman ni Senador Richard Gordon ang DBM na magsumite ng mga dokumento hinggil sa mga kontratang pinasok ni Lao noong ito pa ang pinuno ng DBM-PS.
Ayon sa mga Senador, hindi lamang ito ang unang beses na nadawit si Lao sa kontrobersiya.
Noong Mayo ng nakaraang taon, pinuna rin ni Senador Panfilo Lacson ang DOH at DBM-PS sa pagbili ng mga mamahaling laboratory equipment para sa Covid-19 testing samantalang may ibang mas murang brand na ginagamit ng mga pribadong ospital sa mababang halaga.
Ang DBM-PS rin ang itinuturo ni Senador Risa Hontiveros na nasa likod ng pagbili ng mga overpriced na Personal Protective Equipment mula sa China samantalang may mas murang de- kalidad na PPE na gawa sa Pilipinas.
Meanne Corvera / TL