Opisyal ng NBI at kapatid na Immigration officer, sinampahan ng reklamong robbery-extortion at katiwalian sa DOJ dahil sa sinasabing pangingikil sa mga sangkot sa Pastillas scheme
Ipinagharap ng patung-patong na reklamo sa DOJ ang isang opisyal ng NBI at ang kapatid nitong Immigration officer dahil sa sinasabing pangingikil sa mga tauhan ng Bureau of Immigration na sangkot sa Pastillas scheme kapalit ng hindi pagsampa ng kaso sa mga ito.
Dinala sa DOJ ng mga tauhan ng NBI – Special Action Unit ang magkapatid na sina NBI Legal Assistance Section Chief Atty. Joshua Paul Capiral at kapatid nito na si Immigration officer Christopher John Capiral kung saan isinailalim sila sa inquest proceedings.
Mga reklamong robbery (extortion), mga paglabag sa Anti- Graft law, Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees, at Executive Order No. 608 o Establishing a National Securiry Clearance System for Government Personnel with Access to Classified Matters ang inihain ng NBI laban sa magkapatid.
Inaresto ng NBI ang Capiral brothers sa isang entrapment operation noong Lunes ng gabi.
Nahuli sa akto ang dalawa na tumatanggap ng salapi mula sa tauhan ng BI na dawit sa Pastillas Scheme.
Ayon sa NBI, may iba pang kinikilan ang magkapatid kapalit ng pagabswelto sa mga ito sa kaso.
Plano naman ng NBI na sampahan ng disbarment case sa Korte Suprema si Atty Capiral.
Moira Encina