“Oplan Balik-Eskuwela”, sinimulan na ng PNP
Sinimulan ng ipatupad ng Philippine National Police o PNP ang kanilang Oplan Balik Eskuwela bilang paghahanda sa pagbubukas ng klase sa Lunes, June 4.
Sa panayam ng programang Balita alas-siyete, sinabi ni PNP Spokesperson Chief Supt. John Bulalacao, bahagi rin ng kanilang paghahanda ay ang pagtatalaga ng mga police desks sa mga malalaking paaralan sa buong bansa.
Nagkakaroon din aniya sila ng koordinasyon sa mga school authorities na dati na nilang ginagawa para pag-usapan ang mga ipatutupad na security measures.
Bukod dito, nag-oorganisa rin ang PNP ng mga police beat patrollers sa palibot ng mga paaralan para maiwasan ang mga pambibiktima sa mga estudyante gaya ng mga snatchers at agaw cellphone.
“Ang PNP sa buong bansa ay nagtatayo ng mga Police assistance desks sa mga malalaking paaralan at nagkakaroon kami ng koordinasyon sa mga school authorities para pag-usapan ang mga security measures gaya ng paglalagay ng mga CCTV’s, pagsasagawa ng mga security briefing sa mga security guards ng mga paaralan, at iba pang mga security measures na kailangan”.
Samantala, nanawagan si Bulalacao sa mga magulang na makipagtulungan sa kanila sakaling dumanas ng pambu-bully ang kanilang mga anak.
Napakahalaga aniya ng tulong ng mga magulang dahil sila mismo ang nakakakilala sa kanilang mga anak.
Isa ang isyu ng bullying sa mga iniuugnay ng PNP sa mga school authorities para sa pagkakaroon ng information diseemination sa mga eskuwelahan.
Payo ni Bulalacao, maging alerto ang mga magulang at isumbong kaagad sa kanila sakaling makaranas ng bullying ang kanilang mga anak.
“May mga coordination na ginagawa ang PNP sa mga school authorities at kasama na sa pinag-uusapan ay ang Bullying kung papano magkakaroon ng informarion dissemination ang mga pulis sa mga eskuwelahan. Regular naman po nating ginagawa ito. Kaya nga po kapag may nabiktimang bata sa bullying, agad na ipagbigay alam sa amin”.