Oplan balik eskwela ilulunsad ng DEPED
Ilulunsad na ng Department of Education (DEPED) ang oplan balik eskwela command center sa lunes bilang paghahanda sa pagsisimula ng klase sa August 22.
Ayon kay Education Spokesperson Michael Poa, sa command center maaaring iparating ang anomang problema o hinaing sa enrollment at iba pang usapin na may kinalaman sa pagbubukas ng klase.
Sinabi ni Poa na patuloy ang kanilang paghahanda sa Brigada Eskwela para matiyak na lahat ng upuan sa classroom at school buildings ay nakumpuni para sa balik eskwela lalo na sa face- to- face classes.
Sa ngayon aabot na aniya sa 59.5 million ang natanggap na donasyon ng DEPED mula sa mga pribadong sektor para schools supplies, repair ng school facilities lalo na sa mga lugar na naapektuhan ng bagyo at lindol.
Sa ngayon, umabot na sa 18.6 million ang nagpa enroll na learners malayo pa sa kanilang target na 28.6 million learners.
Pero apela ng DEPED sana magpa- enroll na ang iba pang magulang at huwag nang maghintay sa mismong araw ng pasukan.
Mahigpit naman aniya ang koordinasyon ngayon ng DEPED sa Department of Health o DOH para magsagawa ng counseling tungkol sa bakuna at paglulunsad ng vaccination program laban sa COVID – 19 para sa kaligtasan ng mga bata at magulang.
Bukod sa COVID – 19, nakatutok sila sa paglilinis ng mga eskwelahan at alisin ang mga maaaring pamugaran ng lamok.
Meanne Corvera