Oposisyon, igiit na hindi kailangan ang death penalty para maresolba ang krimen
Hindi papayag ang mga Senador na miyembro ng oposisyon at minority bloc sa pagbabalik ng parusang kamatayan kahit gawin itong para lang sa mga drug lord at drug traffickers.
Ayon kay Senator Risa Hontiveros, hindi ang parusang kamatayan ang magpapatigil sa mga krimen tulad ng kalakalan ng iligal na droga at pandarambong o plunder.
Kailangan aniya ngayon ay katiyakan na maaresto at makukulong ang mga kriminal.
Magagawa umano ito kapag pinaghusay ng Philippine National Police ang panghuhuli sa mga kriminal at reporma sa Criminal Justice system.
Kailangan rin aniyang tugunan ang problema ng lipunan, gaya ng public health approach sa gumagamit ng iligal na droga at ang pagtugon sa kahirapan na siyang ugat ng paggawa ng krimen ng mga mahihirap.
Ulat ni Meanne Corvera