Opposition Senators mayroon ng abogado para sa Oral arguments sa ICC petition
Mayroon ng abogado ang mga opposition senators para sa Oral arguments ng Korte Suprema sa inihain nilang petisyon laban sa pagkalas ng Pilipinas sa International Criminal Court.
Naghain na ng formal entry of appearance sa Supreme Court si dating Akbayan Partylist Representative Ibarra Gutierrez III para ipagbigay-alam na siya ang tatayong legal counsel nina Senador Francis Pangilinan, Franklin Drilon, Bam Aquino, Leila de Lima, Riza Hontiveros at Antonio Trillanes IV kaugnay sa ICC withdrawal case.
No show ang mga Senador sa Oral arguments noong Martes, August 28 dahil wala silang abogado na maglalahad ng kanilang argumento at sasalang sa interpelasyon ng mga mahistrado ng Korte Suprema.
Ito ay matapos hindi pagbigyan ng Supreme Court ang hirit ng nakakakulong na si De Lima na humarap sa pagdinig at idepensa ang kanilang petisyon na ipawalang-bisa ang pagurong ng Pilipinas sa ICC.
Itinakda ang susunod na oral arguments ng Korte Suprema sa September 4 sa ganap na alas -2:00 ng hapon.
Ulat ni Moira Encina