Oral Arguments ng Korte Suprema sa petisyon ni De Lima, umusad na
Gumulong na ang oral arguments ng Korte Suprema sa petisyon ni Senadora Leila de Lima na humihiling na ipatigil ang paglilitis ng Muntinlupa RTC sa kaso niya at ipawalang-bisa ang warrant of arrest laban sa kanya.
Present sa pagdinig ang lahat ng 15 mahistrado ng Supreme Court kabilang na ang pinakabagong dalawang miyembro nito na sina Justices Samuel Martires at Noel Tijam.
Tumanggi naman si Justice Francis Jardeleza sa mga panawagan na mag-inhibit siya sa pagdinig ng kaso ni de Lima.
Ito ang inanunsyo ni Chief Justice Maria Lourdes Sereno sa pagsisimula ng oral arguments.
Si Jardeleza ay pinag-iinhibit ng VACC at ng iba pang grupo dahil sa nagkasama silang dalawa ni De Lima sa Jardeleza Sobreviñas Hayudini at Bodegon Law Office noong 1987.
Una namang naglahad ng argumento ang kampo ni de Lima sa pamamagitan ni dating Solicitor General Florin Hilbay.
Samantala, kasabay ng oral arguments, nag-rally sa labas ng Korte Suprema ang mga tagasuporta ng Senadora para ipanawagan na palayain na ito
Nakaharap nila ang VACC na isa naman sa naghain ng kaso laban kay de Lima kaugnay sa illegal drug trading sa Bilibid.
Ulat ni: Moira Encina