Oral arguments ng SC kaugnay ng Martial Law, ipagpapatuloy ngayong araw
Itutuloy ngayong araw ng mga mahistrado ng Korte Suprema ang interpelasyon sa mga petitioners na humihiling na ipawalang bisa ang batas militar sa Mindanao.
Inaasahang haharap muli sa pagtatanong mga SC Justices sina Albay Rep. Edcel Lagman, at mga abogadong sina Ephraim Cortez ay Marlon Manuel.
Si Solicitor General Jose Calida magaargumento para sa gobyerno ay sasalang sa oral arguments at interpelasyon sa oras na matapos ang panig ng mga petitioners.
Sa unang araw ng oral arguments iginiit ni Associate Justice Teresita de Castro na ang terorismo ay maari ding maging batayan ng rebelyon.
Hindi lang naman aniya pakay ng terorismo na maghasik ng takot dahil maari din itong gamitin para maabot ang politikal na layunin.
Paliwanag ni de Castro, anoman ang krimen kung ang layunin nito ay para pabagsakin ang halal na gobyerno, ito ay papasok sa konsepto ng rebelyon.
Hindi rin kumbinsido ang mahistrado na simpleng reaksyon lamang sa tangkang pagdakip kay Isnilon Hapilon ang paghahasik ng karahasan ng Maute Group sa Marawi City.
Lumalabas aniya na matagal nang nakapaghanda ang mga Maute para matagalan ang pag-atake ng tatlong linggo dahil hindi sila nauubusan ng suplay ng mga gamit sa pakikipaglaban sa gobyerno.
Ulat ni: Moira Encina