Oral arguments sa mga petisyon kontra Anti- Terrorism law, itutuloy ngayong araw ng Korte Suprema
Sisimulan mamayang alas-2:30 ng hapon ang ikatlong araw ng oral arguments ng Korte Suprema sa mga petisyon laban sa Anti- Terrorism law.
Ipagpapatuloy at tatapusin na mamaya ng mga mahistrado ang kanilang interpelasyon o pagtatanong sa mga abogado ng mga petitioners.
Pagkatapos nito ay susunod na magsasalita ang amici curiae o friends of the court na itinalaga ng Korte Suprema na sina retired Chief Justice Reynato Puno at retired Associate Justice Francis Jardeleza.
Kung may oras pa ay magpiprisinta na ng kanilang argumento ang panig ng respondents sa pamamagitan ng Office of the Solicitor General na susundan ng interpelasyon ng mga justices.
Kaugnay ng isasagawang oral arguments, muling isinara sa trapiko ang kahabaan ng Padre Faura sa Maynila.
Obligado pa rin na magprisinta ng negatibong COVID- 19 test results ang mga pisikal na dadalo sa oral arguments para sila ay makapasok sa Supreme Court.
Pero pinayagan na rin ng SC ang rapid Antigen test bukod sa RT- PCR test bilang konsiderasyon sa gastos.
Moira Encina