Oral Arguments sa petisyon ni Sen. de Lima, tatalakaying ngayong araw ng SC
Isasagawa na mamayang alas dos ng hapon ng Korte Suprema ang oral arguments sa petisyon ni Senadora Leila de Lima sa pagpapa-aresto sa kanya ng Muntinlupa City Regional Trial Court kaugnay sa kaso nitong iligal na droga.
Kaugnay nito, inilabas na ng Supreme Court ang mga isyung tatalakayin sa nasabing pagdinig.
Para sa procedural issue, isa sa mga tatalakayin ay kung lumabag si de Lima sa rule against forum shopping dahil inihain niya ang petisyon sa Supreme Court nang hindi pa nareresolba ng Muntinlupa RTC ang kanyang motion to quash.
Para naman sa substantive issue, ilan sa mga didinggin ay kung nakagawa ba ng pagmamalabis si Judge Juanita Guerrero nang mag-isyu ito ng arrest order laban kay de Lima at kung may hurisdiksyon sa drug case ng Senadora ang RTC o Sandiganbayan.
Unang haharap sa mga mahistrado ang kampo ni de Lima at pagkatapos ay ang kampo ng respondent na kakatawanin ng Office of the Solicitor General.
May tig-sampung minuto sila para ilahad ang kanilang opening statement bago sumalang sa interpelasyon ng mga mahistrado ng Supreme Court.
Ulat ni: Moira Encina