Oral health may kinalaman sa pneumonia?
Napakaraming problema sa katawan o mga sakit na maaaring naramdaman ng isang geriatric o mga matatanda partikular kapag pinabayaan ang oral health.
Karaniwang sinasabi nina lolo at lola, matanda na ako bakit pa ako magpupunta sa dentista?
Matanda na ako, bakit papalitan ko pa ang pustiso ko?
Naku, walang kaalam-alam sina lolo at lola ay nanganganib ang kalusugan gaya ng posibilidad na pagkakaron ng pneumonia.
Alam ba ninyo ang mikrobyong galing sa bibig ay pwedeng pumasok sa baga, at tinatawag na aspiration pneumonia.
Ang mikrobyo ay galing sa mga bulok na ngipin, namamaga o nagdurugong gilagid, at kadalasan sa mga matatanda, umuuga ang ngipin.
At kapag umuuga ang ngipin puno ng bakterya na pwedeng malunok.
Kahit yung mga lumang pustiso na suot habang natutulog. Mas maraming mikrobyo ang lumang pustiso lalo pa nga at hindi Ito nalilinis.
Ang mikrobyo ay pwedeng pumasok sa baga.
Kung inaakala ng ilan na kapag di magsuot ng pustiso sa araw man o gabi ay okay lang, hindi po!
Problema pa rin dahil nawawalan ng tukod ang lalamunan o ang bibig at dahil dito apektado ang paghinga.
Tandaan na kahit hindi pa kumakain, ang bibig ay ma-bacteria na at nag-a-activate ang bacteria kapag madumi ang bibig.
Ang warning signs na may problema na ang baga dahil sa ngipin ay mahirapan na sa paglunok, naghahabol sa paghinga kahit walang ginagawa, gumagaralgal ang boses.