Ordinansa na nagbabawal sa pagbebenta ng COVID-19 vaccine, ipinasa sa Maynila
Mahigpit na ipinagbabawal sa Lungsod ng Maynila ang pagbebenta ng COVID-19 vaccine.
Ito ang nakasaad sa nilagdaang ordinansa ni Manila Mayor Isko Moreno.
Ayon kay Mayor Isko, layon ng ordinansa na maprotektahan ang publiko mula sa mga organisasyon, institusyon at ilang indibiwal na magtatangkang gawing negosyo ang pagbabakuna ngayong Pandemya.
Ang mga ganitong gawain aniya ay hindi katanggap tanggap sa panahong ito ng Public Health Emergency.
Sa ilalim ng ordinansa, maaaring mabilanggo ng hanggang anim na buwan at mapagmulta ng 5,000 piso ang mga lalabag rito.
Kung ito naman ay korporasyon o iba pang entity, nagbabala ang alkalde na matatanggalan sila ng Business license at hindi na papayagang makapagnegosyo sa Maynila.
Tiniyak ng alkalde ang mahigpit na monitoring ng lokal na pamahalaan para masigurong walang makakalusot na mapagsamantalang negosyante.
Ang nasabing ordinansa ay magiging epektibo sa lalong madaling panahon.
Madz Moratillo