Ordinansa sa Mandaluyong City na nagbabawal sa ‘riding-in-tandem’, idineklarang labag sa Konstitusyon ng Court of Appeals
Ipinagutos ng Court of Appeals sa Pamahalaang Lungsod ng Mandaluyong na huwag ipatupad ang ordinansa nito na nagbabawal sa mga lalaking backriders o angkas sa mga motorsiklo.
Sa desisyon ng CA Fifth Division, sinabi na labag sa Saligang Batas partikular sa equal protection clause ang “Motorcycle Riding-in- Tandem Ordinance” ng Mandaluyong.
Ayon sa appellate court, oppressive at discriminatory ang ordinansa.
Idinulog ng appellant na si Atty. Dino De Leon sa CA ang kaso matapos na ibasura ng Mandaluyong City Regional Trial Court ang petisyon niya na kumukuwestiyon sa ligalidad ng riding-in-tandem ordinance.
Si De Leon ay pinagpiyansa at sinampahan ng reklamo matapos mahuli na sakay bilang backrider ng Angkas motorcycle sa may bahagi ng isang mall sa Mandaluyong noong Marso 7, 2019.
Kinontra rin ng CA ang argumento ng Mandaluyong LGU na moot and academic na ang apela bunsod ng suspensyon ng ordinansa ngayong pandemya.
Ayon sa korte, pansamantala lamang ang suspensyon at maaaring ipatupad muli ang ordinansa kaya hindi pa ito moot and academic.
Sa ilalim ng ordinansa, sinabi na layunin ng ban sa mga lalaking angkas sa motorsiklo na masawata ang krimen na kinasasangkutan ng riding-in-tandem.
Exempted sa ordinansa ang mga angkas na babae, batang may edad 7 hanggang 10 taong gulang, lalaking kamag-anak na first degree of consaguinity, at mga miyembro ng PNP Tactical Mobile Unit at Station Tactical Motorist Reaction Unit sa lungsod.
Ang mga lalabag ay pagmumultahin ng Php3,000 o parusang pagkakakulong na tatlong buwan o kaya ay pareho.
Moira Encina