Oscars, magdaragdag ng bagong ‘fan favorite’ prize na iboboto ng Twitter users
Isasama na sa Oscars sa susunod na buwan ang isang bagong “fan favorite” prize para sa most popular film ng taon na iboboto ng Twitter users.
Ang announcement – na ihahayag sa 94th Academy Awards telecast sa March 27 – ay nabuo nang mabigo ang ilang itinuturing na “crowd-pleasing blockbusters gaya ng ‘Spider-Man: No Way Home’ at ‘No Time To Die’ na makakuha ng Oscar nominations sa major categories, kabilang ang best picture.
Ang pangyayari ay nagdulot ng pangamba na maraming movie fans ang hindi na manonood sa Oscars. Nguni’t anomang pelikulang ipinalabas noong 2021 ay puwedeng iboto sa bagong kategorya gamit ang Twitter hashtag #OscarsFanFavorite o sa pamamagitan ng website ng academy, na magpapataas naman sa tyansa ng isang blockbuster movie na maparangalan sa awards night.
Ang mga rating sa telebisyon para sa Oscars ay kapansin-pansing bumaba sa mga nakaraang taon. Ang edisyon noong nakaraang taon, na pinarangalan ang mas maliliit, mga arthouse na pelikula gaya ng best picture winner na “Nomadland,” ay sinubaybayan lamang ng mahigit 10 milyong manonood — isang 56 na porsiyentong pagbaba mula noong 2020, na isa nang mababang record.
Habang ang Oscars voters ay lalong lumalayo sa mainstream fare, sumubok ang Academy of Motion Picture Arts and Sciences ng iba’t-ibang mga reporma upang muling palakasin ang katanyagan ng seremonya.
Noong 2018, nagpanukala ang organizers ng isang “popular film” Oscar upang parangalan ang blockbuster movies gaya ng Star War films o Marvel superhero films, na kumita ng milyun-milyon sa box office.
Ngunit mabilis nitong ipinagpaliban ang mga planong iyon matapos kutyain ng mga kritiko ang hakbang, at ang bagong parangal naman na “fan favorite” ay hindi magiging isang pormal na kategorya ng Oscar.
Ayon sa vice president ng digital marketing ng Academy na si Meryl Johnson . . . “The move would help build an engaged and excited digital audience leading up to this year’s ceremony and allow fans to engage with the show in real-time, find a community and be a part of the experience in ways they’ve never been able to before.”
Wika naman ni Sarah Rosen ng Twitter . . . “The collaboration was an exciting way to further engage movie fans and celebrate their love and passion for the films released this year.”
Ang movie fans ay maaaring bumoto ng hanggang 20 beses kada araw hanggang sa March 3, at ang tatlong mapipiling winners ay iimbitahang mag-present ng isang Oscar sa seremonya sa susunod na taon.
Sa isa namang hiwalay na poll ay hihilingin sa mga botante na piliin ang kanilang paboritong “movie cheer moment.” Ang ‘five popular choices’ — mga eksena kung saan “hindi napigilan ng mga manonood na sumambulat ang tuwa sa mga sinehan” — ay ipalalabas sa Oscars.
Ang Oscars sa susunod na buwan ay babalik sa traditional venue nito sa Dolby Theatre sa Hollywood, matapos isagawa ang 2021 Academy Awards na naapektuhan ng pandemya, sa isang istasyon ng tren sa Los Angeles, at gaganapin ito ng mas late kaysa karaniwan para maiwasang makasabay sa Winter Olympics ngayong Pebrero at sa Super Bowl sa Los Angeles sa Linggo.