OSG hihilingin sa mga Korte na muling ipaaresto ang mga consultant ng NDF
Hihilingin ng Office of the Solicitor General sa mga Korte na muling ipaaresto ang mga consultant ng National Democratic Front of the Philippines matapos kanselahin ng gobyerno ang back-channel negotiations sa rebeldeng grupo.
Ayon kay Solicitor General Jose Calida, maghahain sila ng kaukulang mosyon sa mga Korte para ipakansela ang lahat ng bail bonds, ipaaresto at ibalik muli sa mga kulungan ang NDF consultants.
Gaganapin sana sa Europa ang back-channel talks pero kinansela ng pamahalaang Duterte dahil sa pananambang ng NPA sa convoy ng Presidential Security Group sa Kabacan, North Cotabato.
Sinabi ni Calida na ang pansamantalang kalayaan na ibinigay ng mga hukuman sa NDF consultants ay may mga kondisyon kung saan isa na rito ang pagbawi sa piyansa kapag natapos o nakansela ang usapang pangkapayapaan.
Ilan sa consultants ng rebeldeng grupo na pinakawalan dahil sa piyansa ay sina CPP-NPA Leaders Benito at Wilma Tiamzon na akusado sa patung-patong na kasong murder at kidnapping sa mga Korte sa Maynila at Quezon City.
Ulat ni: Moira Encina