OSG hiniling sa SC na atasan ang Comelec na tiyakin ang integridad ng darating na halalan
Nais ng Office of the Solicitor General (OSG) na atasan ng Korte Suprema ang Comelec na tiyakin ang integridad ng darating na eleksyon.
Ito ay sa pamamagitan ng petition for certiorari, prohibition, at mandamus na inihain ng OSG sa Supreme Court.
Sa petisyon, hiniling ng OSG sa SC na obligahin nito ang poll body na matapat nitong gampanan ang mandato nito na pangasiwaan ang halalan.
Ayon kay Solicitor General Jose Calida, ang Comelec dapat ang chief implementor ng 2022 Elections.
Gayunman, ipinunto ng OSG na sa kanilang opinyon ay nilabag ng poll body ang tungkulin nito sa ilalim ng Saligang Batas at Omnibus Election Code na matiyak ang malaya, maayos, matapat, mapaya at kapani-paniwalang eleksyon.
Bukod dito, bigo rin anila ang Comelec na masiguro ang transparent at credible na electoral process.
Partikular sa mga paglabag na ito ay ang pagbabawal ng poll body sa mga watchers sa panahon ng ballot printing at accredited observers sa configuration ng SD cards.
Kasabay nito, hiniling ng OSG sa SC na pigilan ang Comelec at Smartmatic sa pagkakaroon ng “secret servers” at “meeting rooms” na hindi pinapahintulutan sa batas.
Moira Encina