OSG hiniling sa SC na atasan ang Ombudsman na sampahan ng mas mabigat na kaso sina dating Pangulong Aquino kaugnay sa Mamasapano encounter; arraignment sa kaso nitong usurpation of authority, ipinapahinto
Nais ng Office of the Solicitor General na atasan ng Korte Suprema ang Office of the Ombudsman na sampahan ng mas mabigat na kasong kriminal sina dating Pangulong Noynoy Aquino at dating PNP Chief Alan Purisima kaugnay sa Mamasapano encounter.
Sa manifestation ng osg sa Supreme Court, hiniling ni Solicitor Genera l Jose Calida na iutos ng Korte Suprema sa Ombudsman na kasuhan ng apatnaput-apat na bilang ng reckless imprudence resulting to homicide sina Aquino, Purisima at dating SAF Director Getulio Napeñas.
Ayon kay Calida, may probable cause para sampahan sina Aquino, Purisima at Napeñas ng mas mabigat na kaso dahil nakitaan nila ang mga ito ng “lack of precaution” na humantong sa pagkamatay ng 44 na myembro ng PNP-Special Action Force.
Kaugnay nito, hiniling din ng OSG na baligtarin O ipawalang- bisa ng Korte Suprema ang resolusyon ng Ombudsman na nagbasura sa kasong reckless imprudence resulting in multiple homicide laban kina Aquino.
M ay pag-abuso anya sa panig ng ombudsman dahil tila inabswelto na nito ang dating pangulo sa pagsasampa sa na mas mahinang kaso.
Pinapapigilan din ng OSG sa Korte Suprema sa pamamagitan ng tro ang nakatakdang pagbasa ng sakdal ng Sandiganbayan fourth division kina Aquino sa Pebrero a-kinse para sa kasong usurpation of authority.
Sinabi ni Calida na sa oras na matuloy ang arraignment ay hindi na maaring maihabol ang pagsasampa ng kasong reckless imprudence resulting in multiple homicide na mas akmang reklamo na dapat na naihain sa mga akusado.
Ulat ni Moira Encina