OSG hiniling sa SC na ibasura ang mga petisyon na kumukwestiyon sa Batas Militar sa Mindanao
Naghain na ang Office of the Solicitor General sa Korte Suprema ng komento sa mga petisyon na kumukwestyon sa batas militar na idineklara ni Pangulong Duterte sa Mindanao.
Sa apatnaput-limang pahinang komento, hiniling ni Solicitor General Jose Calida sa Supreme Court na ibasura ang tatlong petisyon dahil sa kawalan ng merito.
Ayon kay Calida, mayroong real at present danger na nagbabanta sa buhay at kalayaan ng mamamayan na pinagbatayan kaya idineklara ni Duterte ang Martial Law sa Mindanao.
Binigyang diin ni Calida na hindi nagpadalus-dalos ang Pangulo sa pagdedeklara ng Martial Law.
Bago pa man anya ang pag-atake sa Marawi, maraming mga insidente na isinagawa ang Maute group, Abu Sayyaf at iba pang mga grupong kunektado sa ISIS para maisakatuparan ang plano na makapagtayo ng probinsya ng ISIS sa Mindanao.
Tinukoy pa ng OSG ang panunumpa ng mga lokal na rebeldeng grupo sa ISIS para makapagtayo ng Islamic state sa probinsiya ng Mindanao na kanilang sinimulan sa pamamagitan ng pag-atake sa Marawi.
Malinaw aniya na marahas na nag-aklas laban sa gobyerno ang mga grupo na konektado saISIS para ihiwalay ang Mindanao, talikuran ang pamahalaan at pagkaitan ang Presidente na magampanan ang kanyang kapangyarihan at tungkulin.
Ulat ni : Moira Encina