OSG hiningi na ang tulong ng mga otoridad para matukoy ang mga nasa likod ng hacking sa website nito
Tiniyak ng Office of the Solicitor General na mapaparusahan ang mga tao o grupo na may kinalaman sa pag-hack sa kanilang website.
Sa isang statement, sinabi ng OSG na hiningi na nito ang tulong ng mga intelligence at investigation agencies ng gobyerno para matukoy at matunton ang mga indibidwal o institusyon na nasa likod ng hacking sa OSG Career Portal.
Ayon sa OSG, paglabag sa ilalim ng Cybercrime Law ang pag-atake na ginawa sa computer data at systems ng OSG.
Tinukoy nito na parusang pagkakabilanggo ng hanggang 12 taon ang posibleng ipataw sa mga mapapatunayang lumabag sa Cybercrime Law.
Siniguro ng OSG na pinaigting nila ang security measures sa kanilang website habang iniimbestigahan ang hacking incident.
Inihayag ng OSG na noong umaga ng December 1 nang i-hack ng isang nagpakilalang ‘Phantom Troupe’ ang OSG online job application system sa career.osg.gov.ph.
Nag-upload ang nasabing hacker ng ilang files sa OSG Career Portal na nagresulta para lumabas ang screen display na nagpapahayag ng pagsuporta sa ABSCBN.
Moira Encina