OSG: ICC wala pang desisyon ukol sa drug war probe
Nilinaw ng Office of the Solicitor General (OSG) na wala pang desisyon ang Pre- Trial Chamber ng International Criminal Court (ICC) sa hiling ng gobyerno ng Pilipinas na ibasura ang hirit ng ICC Prosecutor na ituloy ang imbestigasyon sa drug war killings sa bansa.
Ayon kay Solicitor General Menardo Guevarra, ang lumabas na pahayag ay ang tugon ni ICC Prosecutor Karim Khan sa isinumiteng posisyon ng Marcos Administration sa isyu.
Aniya, pinag-aaralan ng OSG kung kailangan nilang tumugon sa sagot ng prosecutor.
Matatandaang nagsumite ang gobyerno ng komento sa Pre- Trial Chamber na ibasura ang nais ng ICC Prosecutor na ipagpatuloy ang drug war probe.
Sa tugon naman ni Khan, kinuwestiyon nito ang genuineness ng imbestigasyon ng Pilipinas sa war on drugs.
Iginiit ni Guevarra na kung anuman ang magiging ruling ng Pre -Trial Chamber ng ICC ay gagamitin ng OSG ang lahat ng legal na remedyo.
Binigyang- diin muli ni Guevarra na ipinupursige ng pamahalaan ang imbestigasyon at prosekusyon sa mga krimen na may kaugnay sa giyera kontra droga ng gobyerno alinsunod sa legal at judicial system.
Moira Encina