OSG, iginiit sa Korte Suprema na dapat pantay na ipatupad ang batas kay Chief Justice on-leave Sereno sa isyu ng hindi paghahain nito ng SALN
Nagsumite na ang Office of the Solicitor General sa Korte Suprema ng memorandum sa Quo Warranto Petition na isinampa nito laban kay Chief Justice on-leave Maria Lourdes Sereno.
Sa 81 pahinang memorandum, iginiit ng OSG na dapat pantay na ipatupad ang batas ukol sa paghahain ng SALN kay Sereno.
Ayon sa OSG, sakop si Sereno bilang Punong Mahistrado ng batas kaugnay sa paghahain ng SALN.
Sinabi ni Solicitor General Jose Calida na hindi dapat bigyan ng special treatment si Sereno dahil kapantay lang nito ang iba pang Public servant.
Anya kung ang mga mababang empleyado ng gobyerno ay pinapanagot dahil sa hindi pagsusumite ng SALN ay walang rason para ituring na pasok si Sereno sa kwalipikasyon para maitalaga bilang Chief Justice.
Hindi anya dapat gamiting excuse ni Sereno sa pagsuway nito sa batas ang katwiran na hindi naman siya makapagkakamal ng nakaw na yaman bilang faculty sa UP College of Law.
Naninindigan ang OSG na 11 taon na hindi nakapagsumite ng kanyang SALN si Sereno sa loob ng 20 taon niyang pagsisilbi sa UP.
Kumbinsido ang OSG na pinili ni Sereno na hindi magsumite ng SALN para itago ang tunay na kinita nito at hindi magbayad ng tamang buwis.
Dahil dito, tinukoy ni Calida na nilabag ni Sereno ang Article 8, Section 7 ng 1987 Constitution na isinasaad na dapat taglayin ng isang mahistrado ng Korte Suprema ang competence, integrity, probity at independence.
Sinuway din anya ni Sereno ang Anti-Graft and Corrupt Practices Act at Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees.
Kaugnay nito muling hinimok ng OSG ang Supreme Court na ipawalang-bisa ang pagkakatalaga kay Sereno bilang Punong Mahistrado at patalsikin ito sa nasabing pwesto.
Ulat ni Moira Encina
Please follow and like us: