OSG , inaaral ang iba pang opsyon laban sa China kaugnay sa pagkasira ng corals sa Escoda Shoal
Patuloy na inaaral ng Office of the Solicitor General (OSG) ang iba pang mga legal na hakbangin na puwedeng isulong laban sa Tsina kaugnay sa mga pagkasira ng mga likas na yaman sa West Philippine Sea.
Kasunod ito ng pahayag ni Philippine Coast Guard Spokesperson for the West Philippine Sea Commodore Jay Tarriela ukol sa mga nadiskubreng crushed corals sa Sabina o Escoda Shoal kamakailan na pinaniniwalaang para sa planong pagtatayo ng Tsina doon ng artipisyal na isla.
Ayon kay Solicitor General Menardo Guevarra, isa lamang ang pagsasampa ng environmental case laban sa Tsina sa mga legal na opsyon ng OSG.
Tumanggi naman si Guevarra na tukuyin ang iba pang hakbangin na maaaring isulong ng pamahalaan laban sa Beijing dahil sila aniya ay binabantayan.
Hindi rin masagot ng OSG kung kailan isasampa ang mga kasong paglabag sa environmental laws laban sa Tsina.
Sinabi ni Guevarra na ito ay ipinauubaya nila sa Department of Justice (DOJ).
Wala pang tugon sa ngayon ang DOJ kung ano na ang itinatakbo ng environmental crimes case na inihahanda nito laban sa China.
Noong isang taon ay sinabi ni Justice Secretary Crispin Remulla na magsasampa ang gobyerno ng Pilipinas laban sa Tsina at sila ay may nakalap ng mga ebidensya.
Moira Encina