OSG, inatasan ni PRRD na sumulat sa COA para i-audit ang Philippine Red Cross
Pinasusulat ni Pangulong Rodrigo Duterte si Solicitor General Jose Calida kay Commission on Audit (COA) Chairman Michael Aguinaldo para hilingin na i-audit ang pondo ng pamahalaan na ibinigay sa Philippine Red Cross (PRC) na pinamumunuan ni Senador Richard Gordon bilang Chairman.
Ginawa ng Pangulo ang kautusan kay Calida sa isinagawang regular weekly Talk to the People.
Ayon sa Pangulo, nais niyang mabuko ang mga umano’y pagsasamantala ni Gordon sa PRC.
Sinabi ng Pangulo inumpisahan ni Gordon ang away sa pamamagitan ng pagsasagawa ng inbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee sa umano’y maanomalyang pagbili ng mga medical protective equipment sa paglaban sa COVID-19 ng Department of Health (DOH) sa pamamagitan ng Procurement Service ng Department of Budget and Management (PS-DBM).
Inihayag ng Pangulo na naghahanap lamang ng butas si Gordon dahil sinabi ng COA sa imbestigasyon ng Mababang Kapulungan ng Kongreso na walang overpricing at anomalya sa pagbili ng mga medical protective equipments na ginawa ng DOH at PS-DBM.
Binigyang-diin ng Pangulo na kung hindi titigil si Gordon sa ginagawang umano’y pang-aabuso sa kanyang kapangyarihan bilang chairman ng Senate Blue Ribbon Committee ay mapipilitan ang Presidente na gamitin ang kanyang kapangyarihan para pagbawalan ang mga opisyal ng gobyerno na nasa ilalim ng Executive Department na huwag dumalo sa imbestigasyon ng Senado.
Vic Somintac