OSG naghain na ng memorandum sa Korte Suprema kaugnay sa mga petisyon laban sa war on drugs ng gobyerno

Maghuhudyat ng dangerous precedent o mapanganib na simulain kung papaboran ng Korte Suprema ang writ of amparo petitions laban sa giyera kontra droga ng pamahalaan.

Ito ang iginiit ng Office of the Solicitor General sa pitumpung pahinang memorandum na isinumite nito sa Korte Suprema kaugnay sa mga petisyon na kumukwestyon sa war on drugs ng gobyerno.

Ayon kay Solicitor General Jose Calida, magiging balakid sa matagumpay na kampanya kontra sa droga ng administrasyon kung hindi ibabasura ang mga petisyon.

Kung kakatigan din anya ang Amparo petitions ay hindi malayong bahain din ang mga korte ng mga walang batayang petition for writ of amparo na ang layunin lang ay kumakalap ng ebidensya sa pamamagitan ng fishing expedition.

Lilikha din anya din ito ng police free zones na magreresulta sa virtual anarchy dahil hindi magagawa ng mga pulis ang kanilang mga tungkulin at muling mananaig ang iligal na droga sa mga komunidad.

Magagamit din anya ng mga drug personalities ang amparo proceedings para kunwari’y protektahan ang kanilang karapatang pantao.

Sinabi pa ni Calida na magbubukas ito sa mga walang basehang akusasyon ng sinoman laban sa mga pulis na magreresulta sa demoralisasyon sa mga hanay nito at pagtigil ng mga ito sa pagganap ng kanilang mandato.

Ulat ni Moira Encina

Please follow and like us:

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *