OSG naghain na ng petition for quo warranto vs Mayor Guo
Pormal nang naghain ang Office of the Solicitor General (OSG) ng petition for quo warranto laban kay suspended Bamban, Tarlac Mayor Alice Leal Guo.
Ang petisyon ay inihain ng OSG sa Manila Regional Trial Court ngayong Lunes ng umaga para mapatalsik sa puwesto ang alkalde.
Ayon kay Solicitor General Menardo Guevarra, iligal ang pag-upo sa puwesto at panunungkulan ni Guo bilang mayor.
Iginiit ni Guevarra sa petisyon na hindi Pilipino kundi isang Chinese si Guo, kaya hindi ito kuwalipikado na tumakbo sa anumang posisyon sa bansa.
Sinabi pa ng OSG na nakagawa si Guo ng mga akto na sa ilalim ng mga batas ay batayan para maalis ito sa posisyon.
Partikular aniya rito ang serious acts of dishonesty na alinsunod sa Local Government Code ay dapat na ikatanggal nito bilang alkalde.
Una nang naungkat sa pagdinig ng Senado sa illegal POGOs ang ukol sa tunay na katauhan at nasyonalidad ni Guo.
Nabatid din ng NBI na tugma ang fingerprint ni Guo sa fingerprint ng Chinese national na si Guo Hua Ping.
Moira Encina-Cruz