OSG naghain ng komento at oposisyon sa SC ukol sa petisyon na kanselahin ang CoC ni BBM
Nagsumite na rin ng komento at oposisyon ang Office of the Solicitor General sa Korte Suprema ukol sa petisyon na ipakansela ang certificate of candidacy ni President-elect Bongbong Marcos Jr.
Ang OSG ang tumatayong abogado ng Comelec at Kamara na respondents sa petisyon.
Para sa Comelec ay nagsumite ang OSG ng komento.
Iginiit ni Solicitor General Jose Calida na moot and academic na ang petisyon dahil sa naiproklama na si Marcos bilang pangulo.
Aniya ang anumang pagkontra sa kuwalipikasyon ni BBM bilang presidente ay nasa eksklusibong hurisdiksyon ng Presidential Electoral Tribunal (PET).
Nabigo rin aniya ang mga petitioners na patunayan na may grave abuse of discretion sa panig ng poll body.
Para naman sa Kamara ay naghain ang OSG ng oposisyon sa halip na komento.
Ipinunto ni Calida na walang hurisdiksyon ang Supreme Court para pigilan ang Senado at Kamara na gampanan ang tungkulin nito bilang National Board of Canvassers na nakasaad sa Saligang Batas.
Dapat aniyang igalang ng SC ang constitutional duty ng Kongreso.
Binigyang-diin ng OSG na ang electoral mandate ng mga Pilipino ang ultimate o pangunahin na political expression na hindi maaaring kontrahin.
Moira Encina