OSG nagsumite ng mga karagdagang ebidensya sa DOJ laban kina Peter Lim, Kerwin Espinosa at iba kaugnay sa illegal drug trade sa Visayas
Ipinagpatuloy ng bagong DOJ panel of prosecutors ang pagdinig nito sa kasong illegal drug trading laban sa mga itinuturing na big-time drug personalities na sina Peter Go Lim, Kerwin Espinosa, Peter Co at iba.
Sa ikalawang preliminary investigation, nagsumite ang PNP-CIDG sa pamamagitan ng Office of the Solicitor General ng mga karagdagang ebidensya laban sa mga respondents.
Kabilang sa mga ito ang dalawang sinumpaang salaysay ni dating Albuera Mayor Rolando Espinosa Jr noong August 24, 2016 at October 3, 2016 bago ito namatay kung saan kinumpirma nito na sangkot sa illegal drug trading ang anak na si Kerwin.
Maging ang certified true copy ng transcript ng stenographic notes ng hearing ng Senado noong December 5, 2016 ukol sa pagpaslang kay mayor espinosa kung saan inamin ni Kerwin na distributor siya ng droga at ang kanyang mga supplier ay sina Peter Lim, Peter Co at Lovely Impal.
Isinumite rin ng OSG sa DOJ ang ikatlong karagdagang sinumpaang salaysay ni Marcelo Adorco na dating tauhan ni Kerwin at testigo ng PNP-CIDG.
Gayundin ang digital sketch at artist sketch ni Peter Lim alyas Jaguar batay sa paglalarawan ni Adorco.
Ebidensya rin ng OSG ang certified true copy ng blue book ng accountant ni Kerwin
Binigyan ng panel of prosecutors ang mga respondents na magsumite ng kontra-salaysay sa Mayo 15 sa ganap na ala-una ng hapon
Present sa pagdinig si Kerwin Espinosa at Adorco. Pero no show sina Peter Lim at Peter Co.
Iniutos ang reinvestigation ng drug case matapos maabswelto ang mga nasabing respondents dahil sa kakulangan ng matibay na ebidensya.
Ulat ni Moira Encina