OSG nanindigan na dapat ibasura ng Korte Suprema ang mga petisyon kontra sa Anti- Terror law
Itinuloy ng Korte Suprema ang oral arguments sa mga petisyon laban sa Anti- Terrorism Act (ATA) matapos ipagliban ng ilang beses dahil sa pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa bansa.
Sa kauna-unahang pagkakataon ay isinagawa online o sa pamamagitan ng videoconferencing ang oral arguments bilang pag-iingat sa COVID-19.
Ang panig ng Office of the Solicitor General ang humarap sa mga mahistrado ng Supreme Court para idipensa ang Anti- Terror law.
Sa kanyang opening statement, hiniling ni Solicitor General Jose Calida na ibasura ang mga petisyon na humihiling na ipawalang-bisa at ideklarang labag sa Saligang Batas ang ATA.
Ayon kay Calida, depektibo at kulang sa porma at substansya ang mga petisyon.
Nalabag din aniya ng mga petitioners ang hierarchy of courts dahil sa mababang hukuman dapat idinulog ang kaso at hindi sa Supreme Court.
Inihayag pa ng SolGen na hindi trier of facts ang Korte Suprema.
Iginiit din ng opisyal na mahalaga ang ipinasang ATA dahil ito ay pagtugon ng gobyerno sa international economic obligations nito.
Nanganganib aniyang mapabilang sa black ist o graylist ng Financial Action Task Force on Money Laundering ang Pilipinas kung mapawalang-bisa ang ATA.
Sinabi pa ni Calida na kung walang ATA ay tatratuhin ang Pilipinas bilang “leper” o ketongin at maaapektuhan ang ekonomiya at pumapasok na investments
Ipinunto pa ng OSG na hindi kagamitan ang ATA para pigilan ang demokrasya sa bansa.
Sa halip aniya layon ng batas na protektahan ang buhay, kalayaan, at ari-arian ng mga mamamayan mula sa mga terorista.
Hindi rin aniya malawak at malabo ang depenisyon ng terorismo sa batas sa halip ito ay kumpleto at malinaw na tinukoy ang mga overt act at criminal intent sa ATA.
Naniniwala si Calida na “unfairly stigmatized” ang Anti-Terror Act.
Pinuna rin ni Calida ang mga petitioners sa pananahimik ng mga ito sa mga akto ng terorismo.
Sa huli ay binanggit ng opisyal ang pahayag mismo ni Pangulong Rodrigo Duterte na walang dapat ikatakot sa batas ang mga hindi terorista.
Moira Encina