OSG: Pilipinas, walang legal at moral na obligasyon sa ICC
Ikinalulungkot at ikinababahala ni Solicitor General Menardo Guevarra ang desisyon ng appeals chamber ng International Criminal Court (ICC) na ibasura ang kahilingan ng gobyerno ng Pilipinas na suspendin ang imbestigasyon sa giyera kontra droga.
Sa walong pahinang ruling ng ICC appeals chamber, sinabi na maaari naman na ituloy ng pamahalaan ng Pilipinas ang sariling imbestigasyon kahit may ICC probe.
Ayon pa sa ICC, hindi ito kumbinsido sa mga dahilan na inilatag ng Pilipinas para suspendihin ang imbestigasyon.
Sinabi ni Guevarra na may seryoso at matinding epekto sa Pilipinas ang desisyon ng ICC appeals chamber.
Isa rin aniya itong pagsakdal sa buong legal at judicial system at panghihimasok sa soberenya ng Pilipinas.
Naniniwala rin ang opisyal na pagpapahiya ito sa Pilipinas sa mata ng international community at hindi na ito mababaliktad kahit pa manalo ang bansa sa apela.
Dahil sa mga nasabing dahilan, binigyang- diin pa ni Guevarra na walang legal at moral na obligasyon ang Pilipinas na makipagtulungan sa ICC.
Niliwanag naman ng OSG na hindi pa ito pinal dahil naka-apela pa rin sa appeals chamber ang desisyon ng ICC pre- trial chamber na nag-o-otorisa sa ICC prosecutor na ituloy ang drug war probe.
Aniya, ang ibinasura ng ICC ay ang hirit nila na suspensyon sa imbestigasyon habang hindi pa nareresolba ang mga isyu ng hurisdikyon at admissibility nito sa sitwasyon ng Pilipinas.
Maaari rin aniyang abutin ng mga buwan o mga taon ang pinal na ruling ng ICC sa apela nila laban sa pagpapatuloy ng imbestigasyon sa war on drugs.
Moira Encina